Papasok pa lang ang mga pulis at sundalo sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao para sana halughugin ang tahanan ni Mayor Rasul Sangki at ng kaniyang mga tauhan, ngunit nauwi ito agad sa bakbakan na ikinasugat ng 10 sundalo.
Ayon kay Senior Supt. Jimmy Daza na pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), nasa Brgy. Saniag na ang grupo nang bigla silang salubungin ng pamamaril.
Samantala, hindi naman nakumpirma nina Daza sa mga paunang ulat kung kasama ng mga armadong kalalakihan si Sangki nang mangyari ang bakbakan.
Si Sangki ay isang state witness sa 2009 Maguindanao Massacre, ngunit isa rin siya sa mga pinangalanang narco-politicians ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mariin itong itinanggi ni Sangki at tumungo pa siya sa Camp Crame upang linisin ang kaniyang pangalan.
Dahil sa bakbakan, ilang mga residente naman ng mga kalapit na barangay ang biglaang lumikas para iligtas ang kanilang mga buhay.
Sa ngayon ay binigyan naman na sila ng tulong ng Humanitarian Emergency Action Response Team ng ARMM.