“Wala akong kasalanan”
Ito ang sinabi ng retiradong pulis na si Gerardo Santiago, ang may-ari ng Gream Funeral Services na pinagdalhan sa mga labi ng Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Iniharap sa media ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II si Santiago matapos itong dumating sa bansa, Biyernes ng umaga mula sa Canada.
Ayon kay Santiago, bumalik siya sa Pilipinas dahil alam niyang wala siyang kasalanan.
Hindi na umano sana siya umuwi at nagtago na lamang kung siya ay may kinalaman sa krimen.
“Umuwi po ako dahil wala po ako kasalanan, kung ako ay may kasalanan hindi na ako uuwi nagtago na lang sana ako,” ayon kay Santiago.
Tumanggi pa si Santiago na sagutin ang ibang katanungan ng media hinggil sa pagdadala sa dayuhan kaniyang pag-aaring punerarya dahil wala pa umano siyang nakukuhang abogado.
Ayon kay Aguirre, nais ni Santiago na magpasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan, pero kinakailangan muna aniya nitong mag-execute ng statement.
May dalawang grupo umano nagbabanta sa buhay ni Santiago.
“May dalawang grupo daw na nag aattempt na pumatay sa kaniya. Habang nasa Canada sya sinabihan syang wag nang bumalik dahil delikado buhay niya,” ayon kay Aguirre.
Sa ngayon ayon kay Aguirre, wala namang kinakaharap na arrest warrant si Santiago at papayagan ito sa hiling na protective custody sa NBI dahil na rin sa banta sa kaniyang buhay.