Fil-Am na suspek sa Aika Mojica murder, lalong nadiin sa pagsuko ng kasabwat na si Niño Dela Cruz

Aika MojicaSumuko sa mga tauhan ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) Intelligence and Investigation Division si Niño Dela Cruz na isa sa mga suspek sa pagpatay kay Aika Mojica sa lalawigan ng Zambales.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Olongapo City Councilor Jong Cortez, si Dela Cruz ay nakipagkita sa mga tauhan ng SAF sa Starmall Alabang, kasama ang kaniyang ina.

Agad ding dinala sa Zambales Provincial Police Office si Dela Cruz kung saan siya sumailalim sa tactical investigation.

Lalo namang nadiin sa krimen ang Fil-Am na suspek na si Jonathan Dewayne Ciocon Viane alyas “Junat” sa mga naging pahayag ni Dela Cruz.

Ayon kay Cortez, inamin ni Dela Cruz ang kaniyang partisipasyon sa krimen, at ito aniya ay ang pagtali niya sa kamay at paa ni Aika nang ito ay maisakay sa sasakyan ni Jonathan.

Si Dela Cruz din umano ang umaawat kay Aika nang manlaban ito sa loob ng sasakyan habang si Jonathan ay nagmamaneho. “Ang partisapasyon daw niya ay inutusan siya ni Jonathan na itali ang kamay at paa ni Aika. Nanlaban daw si Aika sa sasakyan, at si Niño ang tagahawak habang nagmamaneho si Jonathan,” sinabi ni Cortez.

Ayon kay Cortez sa kuwento ni Dela Cruz, huminto pa sila sa isang gasolinahan para magpa-gas at bumili ng gasolina. Matapos ito ay dumaan din sila sa isang tindahan para bumili naman ng posporo. Iyon aniya ang ginamit para sunugin ang katawan ni Aika matapos itong barilin ni Jonathan sa ulo.

Sinabi pa ni Dela Cruz na ilang ulit tinanong ni Jonathan si Aika kung ano ang mga sinasabi nito sa dating asawa ni Jonathan na nasa Amerika. Si Aika at dating asawa ni Jonathan ay matalik na magkaibigan.

Isa sa tinitignang anggulo sa pagpaslang ay ang personal na galit ni Jonathan kay Aika. Si Aika kasi ang nagbibigay ng impormasyon ng dating asawa ni Jonathan hinggil sa suspek at sa kanilang anak na tinangay ni Jonathan mula Amerika pauwi ng Pilipinas./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...