Pagkuha ng 500 traffic enforcers, idadaan ng MMDA sa outsourcing
Para mas mapalakas pa ang kanilang pwersa, kukuha ng nasa 500 karagdagang traffic enforcers ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamamagitan ng mga manpower agencies.
Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, masyado nang manipis ang ipinapakalat nilang mga tauhan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Sa ngayon aniya, nasa 2,300 lang ang kanilang mga tauhan na naka-deploy, at mas mababa pa ito sa kalahati ng dapat sana’y 5,000 na tauhan para sa mas maayos na pagmamando ng trapiko sa mga kalsada.
Aniya, ang mga traffic enforcers na kukuhanin nila sa agencies ay isasailalim sa pagsasanay at babantayan ng mga senior officers.
Umaasa naman siya na mas mahikayat ang kanilang mga organic na tauhan na ayusin ang kanilang trabaho sa pagpasok ng mga outsourced na tauhan, dahil posible silang masibak sakaling hindi pa rin nila ito pag-iigihan.
Humingi na rin ang MMDA ng tulong sa iba’t ibang volunteer groups para maiayos ang daloy ng trapiko at mai-report ang mga lumalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng no-contact apprehension.
Nasa 300 na tauhan naman ang ipinangako na ng limang volunteer groups na tutulong sa pagbabantay sa daloy ng trapiko tuwing weekends sa ilalim ng pagbabantay ng MMDA, at walang gagastusin ang ahensya para dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.