Bilang patunay na hindi ‘isolated case’ lamang ang mga nangyayaring kaso ng ‘tokhang for ransom,’ nagprisinta ng isang video si Senador Panfilo Lacson na nagpapakita ng pagtatanim umano ng ebidensya ng mga tiwaling pulis.
Sa video na ipinakita ni Lacson sa Senado na kuha noong Oktubre 26, 2016, makikita ang pagsalakay ng mga hindi naka-unipormeng pulis sa isang establisimiyento.
Agad na tinipon ng mga pulis ang mga empleyado ng hindi tinukoy na opisina at pinalipat sa isa pang kuwarto.
Habang hinahalughog ang laman ng mga mesa, isang umano’y pulis ang may kinuha sa bitbit nitong backpack at isinilid ito sa ilang mga mesa.
May bahagi pa ng footage kung saan makikitang tila may tinatangay na gamit ang umano’y pulis mula sa lamesa.
Sa pamamagitan aniya ng naturang video, mapapatuyanang malimit na nagaganap ang mga ganitong kaso ng pagtatanim ng ebidensya kung saan sangkot ang mga alagad ng batas.
Dahil dito, nanawagan si Lacson sa pamunuan ng PNP na gumawa ng paraan upang malabanan ang ganitong uri ng mga gawain ng ilang mga scalawag cops.