Aquino: “Kung sinunod ang utos ko, hindi mangyayari ang trahedya sa Mamasapano”

By Dona Dominguez-Cargullo January 26, 2017 - 08:24 AM

PNoy statement on Mamasapano

Hindi sana mangyayari ang trahedya sa Mamasapano na ikinasawi ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) kung sinunod lamang ang kaniyang lohikal at legal na utos.

Ito ang sinabi ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III, bilang tugon sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes.

Ayon kay Aquino, hindi siya pumayag sa nais ng dating SAF chief, na si Retired General Getulio Napeñas na makipag-coordinate lamang sa Armed Forces of the Phillipines (AFP) habang nangyayari na ang operasyon.

Sinabi ni Aquino na binilinan niya si Napeñas na dapat may sapat na panahon para maiposisyon ang lahat ng assets ng pamahalaan kaya dapat gawing mas maaga ang koordinasyon.

Pero hindi aniya ito sinunod ni Napeñas at sa halip ay nangyari na lamang ang koordinasyon “time after target”.

“Kung sinunod lang ang lohikal at legal kong utos, hindi mangyayari ang trahedya sa Mamasapano. Ang atas para mag-coordinate na dapat “days before, naging “time after target,” gaya ng sinabi na rin ng Senate Committe Report. Dahil walang coordination ang AFP, nagkandarapa, dahil ‘yung mga detalyeng dapat alam nila, gaya ng sino ang tutulungan at saan, saka pa lang nila inaalam.” nakasaad sa pahayag ni Aquino.PNoy statement on Mamasapano

At tulad ng kaniyang ipinangako, punto por puntong tinugunan ni Aquino ang mga katanungang muling naungkat kaugnay sa ikalawang anibersaryo ng pagkamatay ng SAF troopers.

Sa tanong kung bakit SAF ang ipinadala sa operasyon, sinabi ni Aquino na batay sa mission statement ng SAF, nakasaad na ang tropa ay may mandatong magsagawa ng operasyon bilang “Rapid Deployment Force” saanmang panig ng bansa lalo na sa mga sitwasyon na mayroong national at international implication.

Malinaw ayon kay Aquino na hindi limitado ang operasyon ng SAF sa urban areas at bihasa sila sa counter insurgency na nasa mga rural area.

Sinagot din ni Aquino ang tanong kung bakit hindi ginamit ang mga tauhan ng Philippine Army, aniya, malinaw sa kaniyang utos na magkaroon ng koordinasyon. Sana ay naging AFP-PNP Joint Operation ang misyon sa Mamasapano kung nasunod ang kaniyang utos.

Sa papel naman ng Amerika sa operasyon, sinabi ni Aquino na wala siyang kausap na sinumang Amerikano bago isagawa at habang nagaganap ang Oplan Exodus.

Ani Aquino, tumulong ang US sa equipment at hardware na pinanggalingan ng intelligence pero bago pa man ang kaniyang administrasyon, tumutulong na noon pa ang US sa pagsu-suplay ng mga kagamitan sa Pilipinas.

PNoy statement on MamasapanoItinanggi din ni Aquino na pinigilan siya ni dating Presidential Adviser on the Peace Process Ging Deles na magpadala ng air assets sa kasagsagan ng operasyon.

Aniya, walang kinalaman si Deles sa operasyon na isang “law enforcement operation”.

Sa isyu naman ng pagpasok sa operasyon na ikapapahamak ng buhay ng mga SAF troopers, sinabi ni Aquino na hindi tamang sabihin na ipinatuloy niya ang operasyon at pagkatapos ay pinabayaan na lamang niya ang mga tropa.

Muling inulit ni Aquino na malinaw ang utos niyang koordinasyon ng PNP sa AFP ilang araw bago ang operasyon.

Sinabi ni Aquino na inatasan niya ang mga opisyal ng AFP at PNP na gawin ang lahat para mailigtas ang SAF, maging ang paggamit sa lahat ng assets at pagpapatuloy ng rescue kahit pa sinabi sa kaniyang gabi na sa lugar at mahihirapan nang mag-link up ang mga tropa.

Sa usapin ng reward, sinabi ni Aquino na hindi niya masasabi kung sino ang nakatanggap ng $5 million na reward mula US dahil hindi aniya nakialam ang pamahalaan dito.

Sa huli, sinagot ni Aquino ang tanong kung bakit dalawang miyembro lang ng SAF ang nakatanggap ng Medal of Valor.

Aniya, ang paggawad ng nasabing parangal ay mayroong prosesong pinagdaraanan, at kung may makikita ng administrasyong Duterte na may iba pang dapat mabigyan ng nasabing parangal ay sasang-ayon naman siya dito.

Ani Aquino, kung nagkaroon man siya ng kasalanan sa nangyari, ito ay ang pagtiwalaan si Napeñas.

“Kung may kasalanan po ako bilang pangulo nung panahon na iyon, ito po: ni minsan, hindi pumasok sa isip kong magagawa ni Napeñas na magsinungaling sa Pangulo ng Pilipinas. Pinagkatiwalaan ko ang isang two-star police officer, na ako pa mismo ang nagpromote. Naniwala akong itong graduate ng PMA ay tatalima sa values ng paaralan ng “Courage, Integrity, Loyalty,”.

Hindi naman nabanggit sa kabuuan ng statement ni Aquino si dating PNP Chief Alan Purisima.

 

 

TAGS: mamasapano, oplan exodus, PNoy statement on Mamasapano, mamasapano, oplan exodus, PNoy statement on Mamasapano

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.