Dating PNoy, sinisisi pa rin ng mga kaanak ng SAF 44
Dalawang taon na ang nakalilipas nang mangyari ang madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na Philippine National Police-Special Action Force commandos, pero patuloy pa rin ang paghahanap ng hustisya ng kanilang mga kaanak.
Hanggang ngayon ay naniniwala ang kaanak ng siyam sa napatay na SAF troopers na si dating Pangulong Benigno Aquino III pa rin ang dapat managot sa pagkamatay ng mga pulis sa naturang operasyon.
Matatandaang noong January 25, 2015, nagsagawa ang mga SAF troopers ng operasyon para dakipin ang teroristang si Zulkifli bin Hir alyas “Marwan” ngunit naka-engkwentro nila ang mga rebeldeng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pang armadong grupo, na siyang kanilang ikinasawi.
Giit ng emosyunal na si Telly Sumbilla, ina ni PO3 John Lloyd Sumbilla, mas masahol pa sa extrajudicial killings na nagaganap ngayon ang pagkamatay ng SAF 44.
Nagkalasog-lasog aniya ang katawan ng kanilang mga anak, pero hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot sa nangyari at bigla nang nawala ang mga umabandona sa kanila sa operasyon.
Hanggang ngayon aniya, wala pa ring hustisya para sa pagkamatay ng kanilang mga anak na sumabak sa operasyon alinsunod sa utos ng mga nakatataas sa kanila.
Ayon naman kay Felecitas Nacino na ina ni PO2 Nicky Nacino Jr., kung hindi dahil sa utos ng pangulo, hindi sana mangyayari ito sa kanilang mga anak.
Giit naman ni Dennis Tria na tiyuhin ni S/Insp. Max Jim Tria, dapat panagutin dito sina Aquino at Purisima, habang ang tiyahin naman ni PO1 Joseph Sagonoy na si Nita Sagonoy ay naniniwalang ang pananagutan ay nasa kamay ng mga pumatay sa SAF 44 at sa nag-utos sa kanilang sumugod sa operasyon.
Samantala, naniniwala naman si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na hindi magkakaroon ng closure ang mga pamilya hangga’t hindi nasasagot ang mga nakabinbin pang tanong tungkol sa kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.