SPO3 Sta. Isabel, nais na maibalik siya sa kustodiya ng NBI

 

Natatakot para sa kaniyang buhay si SPO3 Ricky Sta. Isabel ngayong nasa kamay siya ng Philippine National Police (PNP).

Si Sta. Isabel ang pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo noong nakaraang taon.

Mula sa National Bureau of Investigation (NBI), inilipat na siya kamakailan sa kustodiya ng PNP matapos maglabas ng arrest warrant ang Angeles City, Pampanga Regional Trial Court Branch 58 laban sa kaniya.

Ngunit ngayon, humihiling si Sta. Isabel sa korte na ibalik na lamang siya sa kustodiya ng NBI dahil delikado aniya ang kaniyang buhay sa Camp Crame lalo’t may mga opisyal siyang isinasangkot sa pagpatay kay Jee.

Ayon pa sa kaniyang urgent motion na idinaan sa Public Attorney’s Office (PAO), patuloy na nakakatanggap si Sta. Isabel ng mga banta sa kaniyang buhay, at na mas magiging ligtas siya sa kustodiya ng NBI.

Hindi lang aniya kasi siya ang nasasangkot sa krimen na ito, kundi pati na rin ang ilan pang matataas na opisyal ng pulisya na hanggang ngayon ay konektado pa rin sa PNP.

Umatras na rin umano ang mga pribadong abogado ni Sta. Isabel dahil sa natatanggap nilang mga banta sa kanilang buhay.

Humiling rin si Sta. Isabel sa korte na muling maimbestigahan ang kaniyang kaso, at iginiit na napagkaitan siya ng right to due process nang sampahan siya ng Department of Justice (DOJ) ng non-bailable case.

Hindi man lang aniya kasi siya nabigyan ng pagkakataon na linisin ang kaniyang pangalan sa kasagsagan ng preliminary investigation.

Minadali aniya ng DOJ ang paglalabas ng resolusyon sa mga kaso laban sa kaniya noong January 17, gayong nasabihan siya na ang pagdinig para sa kaniyang isasagot ay nakatakda pa sa February 6 at 13.

Bukas nakatakdang dinggin ng korte sa Pampanga ang kaniyang mosyon, habang ang arraignment naman sa kaniya ay gaganapin sa Lunes.

Read more...