Ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) ang pag-‘freeze’ ng nasa 160 accounts at insurance policies ng convicted drug lord na si Wu Tuan Yuan alyas Peter Co at mga kilalang kaibigan nito.
Kabilang sa mga accounts ay nasa 16 na bangko at tatlong financial institutions na ginagamit umano ni Co upang maipagpatuloy ang kanyang sampung bilyong pisong halaga ng operasyon sa nakalipas na sampung taon.
Ang kautusan ay inilabas ng CA matapos na humiling ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang lahat ng accounts at policies ni Co at kanyang mga kilalang kasamahan.
Batay sa resolusyon ng CA, may sapat na dahilan upang i-isyu ang anim na buwang ‘freeze order’ batay sa ebidensyang iniharap ng AMLC na nagsasabing ginamit ang mga naturang account sa money laundering ng mga perang nakuha mula sa operasyon ng droga ng mga akusado.
Bukod kay Co, kabilang rin sa mga respondents sa kaso na kapwa na-freeze rin ang mga account ay ang mga Chinese na sina Ronnie Chua, Jiangbo Wu Yang, Arthur Sy Ong at Yiyan Su alyas Su Yiyan.
Damay rin sa kautusan ang mga PInoy na sina Concepcion Magtira Chua, Carmen Sy Cu, Rogelyn Ann Floro Zhuang, Roger Tan Teodosio, Ferdinand Parina Cajipe, Lovely Castro Aguilar at Jojo Rondal Baligad at ang mga ‘dummy’ companies na Blue Oceanic Textile Marketing at ang Tencent Import and Exporting Corp.
Sa ulat ng AMLC, walong bangko ang ginagamit umano ng mga drug distributors ni Co upang makapagbayad sa mga idinideliver nitong droga.
Si Co ay may hatol na habambuhay na pagkabilanggo at nakakulong sa New Bilibid Prisons simula 2002.
Sa kabila ng pagkakakulong, nagagawa pa rin ni Co na makontrol ang kanyang iligal na distribyusyon ng droga sa labas ng Bilibid sa pamamagitan ng cellphone at text mula sa kanyang mga tauhan.
Matatandaang isiniwalat ng self confessed drug trafficker na si Kerwin Espinosa na kanyang nakilala si Co sa loob ng Bilibid noong 2005 at nakumbinsi siya nitong magsilbi bilang distributor ng kanyang droga sa Central Visayas.