Sta. Isabel, pinagtakpan pa ni Supt. Rafael Dumlao ayon sa PNP-AIDG
Lumabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) na pinagtakpan ni Supt. Rafael Dumlao ang kaniyang tauhan na si SPO3 Ricky Sta. Isabel nang madawit ito sa pag-dukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Dahil dito, inirekomenda na ng PNP-AIDG ang pagsasampa ng kasong administratibo na grave misconduct at serious neglect of duty laban kay Dumlao, na pinuno ng Special Investigation Unit 2.
Bukod kay Dumlao, pinasasampahan rin ng kasong grave misconduct sa PNP Internal Affairs Service si SPO4 Roy Villegas na umano’y kasabwat rin nina Dumlao at Sta. Isabel.
Ayon sa report ng AIDG, pinahahanap na ni AIDG Director S/Supt. Albert Ferro kay Dumlao si Sta. Isabel, at sa puntong iyon ay may pagkakataon na sana siyang sabihin kay Ferro na sangkot si Sta. Isabel sa pagdukot kay Jee.
Sa halip ay iginiit pa ni Dumlao sa kaniyang report noong January 8 na malinis si Sta. Isabel at na malabo itong masangkot sa naturang pagdukot.
Naniniwala rin ang AIDG na sinamantala nina Dumlao at Sta. Isabel na abala ang karamihan sa kanilang mga kasamahan kaya nila naisagawa ang krimen.
Ang ilan kasi sa kanila ay nagsagawa ng operasyon sa floating shabu laboratory sa Zambales at isa pang shabu laboratory sa Isabela, habang sina Ferro at ibang opisyal ay tumungo naman sa Abu Dhabi para arestuhin ang umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.
Samantala, hindi naman na nasampahan ng parehong kaso si Sta. Isabel dahil una na siyang nagbitiw sa pwesto bilang pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.