Metro Manila, posibleng makaranas ng malakas na pag-ulan ayon sa PAGASA
Posibleng maulit ngayong araw ang malakas na buhos ng ulan na naranasan kahapon at nakapagpabaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Forecaster Manny Mendoza, maaring may mabuo muling kaulapan sa bahagi ng West Philippine Sea at ito ang maghahatid ng localized thunderstorm sa Metro Manila.
“May tsansang maulit ngayong araw ang malakas na buhos ng ulan na naganap kahapon sa Metro Manila. May hanging habagat pa rin sa West Philippine Sea at kung maraming ulap na mabubuo dadalhin iyan ng hanging habagat patungo sa Metro Manila,” sinabi ni Mendoza.
Isang bagyo naman ang binabantayan ng PAGASA na nasa silangang bahagi ng Mindanao at nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay Mendoza, kung magpapatuloy sa kasalukuyang kilos ang nasabing bagyo ay papasok ito ng bansa sa Martes o di kaya ay sa Miyerkules. Papangalanan itong Ineng sa sandaling makapasok ng bansa.
Sinabi pa ni Mendoza na kung magpapatuloy ito sa kasalukuyang direksyon, ang bagyo ay aakyat at maaring hindi tumama sa kalupaan./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.