Pinay OFW na si Jakatia Pawa binitay na sa Kuwait
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na binitay sa Kuwait kaninang 3:19PM oras sa Pilipinas ang Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jakatia Pawa.
Sinabi ni DFA Spokesman Charles Jose na hindi nagkulang ang bansa sa pagbibigay ng tulong na legal sa nasabing OFW.
Ipinaliwanag rin ni Jose na kahapon lamang ipinaalam sa Philippine Embassy ng mga prison officials sa Kuwait ang gagawing pagbitay kay Pawa ngayong araw.
Nagsimula umano ang negosasyon para maisalba ang buhay ni Pawa noon pang panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Tatlong beses din umanong nagpunta sa Kuwait ang ilang mga kaanak ni Pawa kabilang na ang kanyang dalawang anak kung saan pinakahuli dito ay naganap noong Oktubre, 2016.
Kaninang uamaga ay binigyan ng pagkakataon si Pawa na tumawag sa kanyang mga kaanak sa Pilipinas para magpaalam.
Noong May 14, 2007 ay hinuli ng mga pulis sa Kuwait si Pawa makaraan umano niyang patayin sa pamamagitan ng pananaksak ang 22-anyos na anak na babae ng kanyang employer.
Umabot sa dalawampu’t walong tama ng saksak ang tinamo ng biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Noong 2007 ay hinatulan ng parusang kamatayan si Pawa ng Court of First Instance ng Kuwait na pinagtibay naman ng kanilang Court of Cassation noong April 13, 2008.
Sinabi ni Pawa sa kanyang argumento na hindi nakita sa crime scene ang kanyang finger prints at hindi rin tumugma sa kanyang blood type ang sinasabing patay ng dugo na ipinapalagay na galing sa suspek sa krimen.
Sa kanyang pahayag sa hukuman kanyang idinetalye na ang kanyang babaeng employer ang nakapatay sa sarili nitong anak na babae makaraang mahuli na nakikipagtalik sa kanyang kasintahan.
Dahil naman sa tradisyon ng Islam, sinabi ni Jose na sa Kuwait na ililibing ang mga labi ni Pawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.