Dahil makalipas ang dalawang dekada ay muling gaganapin sa bansa ang Miss Universe pageant, naglabas ng commemorative stamps ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) tampok ang tatlong Miss Universe mula sa Pilipinas.
Sa nasabing stamp, makikita sina Miss Universe 1969 Gloria Diaz, Miss Universe 1973 Margarita Moran, at si Miss Universe 2015 Pia Alonzo-Wurtzbach.
Ang disensyo ng nasabing commemorative stamp ay nauna nang inilabas ng PHLPost bilang pagkilala sa tatlong beauty queens.
Ayon sa PHLPost, sina Diaz, Moran at Wurtzbach ay kabilang “Living Legends” roster ng PHLPost kasama sina Miss World Meagan Young at Filipino world boxing champion Senator Manny Pacquiao.
Ang stamp ng tatlong Miss Universe ay mabibili sa halagang P12, P17 at P55.
Ang Gloria Diaz stamp ay maaring gamitin sa ordinary mails sa Luzon, ang Margarita Moran stamp ay para naman sa ordinary mails sa Visayas at Mindanao, habang ang Pia Alonzo-Wurtzbach stamp ay para sa mga liham na patungong Asya.
Pwede ring makabili ng souvenir sheet sa halagang P100, na naglalaman ng lahat ng tatlong disenyo.
Ngayong araw, January 25, ay available na ang commemorative stamp sa Post Shop, Central Post Office sa Liwasang Bonifacio, Maynila at sa lahat ng post offices sa buong bansa.