PNP dapat i-abolish na lang ni Pangulong Duterte ayon sa isang political analyst
Gaya ng isang bahay na puno na ng anay, sinabi ng isang political analyst na dapat ay i-abolish na lamang sa kabuuan ang Philippine National Police.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Prof. Clarita Carlos, ang bahay na puno ng anay at hindi na kayang masolusyonan ay mas maiging ipagiba o sunugin ito at magtayo ng bago.
Sinabi ni Carlos na may kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na i-abolish ang PNP at baguhin ang buong structure nito.
Ang kinakailangan lang aniya ay matiyak na maayos ang magiging transition para hindi naman makompromiso ang seguridad sa bansa.
Ang problema sa PNP ayon kay Carlos, ang mga pulis na dapat ay naghahabol sa mga kriminal, ang sila rin ang mga kriminal.
“Pwedeng i-abolish iyan ng presidente at magtayo na lang ng bago. Kapag talamak na talaga, just demolish the structure, pero iayos mo ang transition period mo. Sa ngayon kasi sila dapat ang naghahabol sa mga kriminal, pero sila mismo ang kriminal e,” ani Carlos.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang nangyari sa South Korean na si Jee Ick Joo kaya dapat lang na may managot dito.
Patuloy pa naman aniya ang paghimok ng pangulo sa mga dayuhang investors na mamuhunan sa bansa at pagkatapos ay mababalitaan nilang pinapatay lang ang mga dayuhan sa PIlipinas
Kasabay nito, umapela si Carlos kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na itigil na ang pagpapa-cute at pag-iyak iyak.
Masyado aniyang mataas ang expectation sa pambansang pulisya dahil noong bago pa sa pwesto si Dela Rosa ay marami itong deklarasyon at pangako.
Sinabi ni Carlos na mas mabuting i-match ni Dela Rosa sa laki ng kaniyang katawan ang kaniyang mga aksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.