Mga miyembrong biktima ng bagyong Nina, maari nang kumuha ng emergency loan sa GSIS
Maari nang mag-apply ng emergency loan ang mga aktibong miyembro at pensioners ng Government Service Insurance System (GSIS) sa pitong probinsya sa Southern Luzon na nasalanta ng bagyong “Nina” noong Disyembre.
Sa isang pahayag, sinabi ng GSIS na nag-laan sila ng P4.9 billion na halaga ng loans para sa mga old-age pensioners pati na rin sa mga miyembrong naninirahan o nagtatrabaho sa Albay, Batangas, Camarines Sur, Catanduanes, Marinduque, Quezon province at anim na lokal na pamahalaan sa Oriental Mindoro.
Mayroon anila silang 7,952 active members at 820 na old-age pensioners sa Calapan City at mga bayan ng Naujan, Baco, San Teodoro, Pola at Puerto Galera sa Oriental Mindoro, at maari nilang i-avail ang loan hanggang February 17.
Mayroon namang hanggang February 9 ang kanilang mga aktibong miyembro at old-age pensioners sa Batangas, Marinduque at Quezon para mag-avail ng kanilang loan.
Para naman sa mga nasa Albay, Camarines Sur at Catanduanes, mayroon silang hanggang February 2 para mag-apply sa loan.
Maaring umutang ng P20,000 ang mga miyembrong walang nakabinbin na emergency loans, habang ang mga may loans naman pero nagbabayad sa tamang oras ay maaring mag-loan ng P40,000.
Para naman sa mga old-age pensioners, maari silang mag-loan ng P20,000.
Papatawan naman ng 6-percent na interest per annum ang loan na ito na payable sa loob ng 36 monthly installments.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.