Jee Ick Joo, naipa-cremate gamit ang pekeng pangalan

By Kabie Aenlle January 25, 2017 - 04:31 AM

 

Inquirer file photo

Puro mga pekeng dokumento at pekeng pangalan ang ginamit sa pagpapa-cremate sa dinukot at pinatay na South Korean businessman na si Jee Ick Joo nang dalhin ito sa crematorium ng mga tauhan ng puneraryang nagtago sa kaniyang bangkay.

Ayon sa isang ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ang pangalan na inilagay sa kaniyang death certificate ay Jose Ruamar Salvador, na isang Pilipino at nakatira sa Champaca St., Sta. Quiteria, Caloocan City.

Ayon sa tauhan ng St. Nathaniel Crematory sa La Loma, Caloocan City, dinala sa kanila ang bangkay ni Jee Ick Joo noong October 19, 2016 at na-cremate ito ganap na alas-11:00 ng umaga.

Lumalabas na isang empleyado ng Gream Funeral Services pala ang nagpakilalang kinatawan umano ng pamilya ng nasawi, at nagpagawa ng reservation dalawang oras lang bago ang mismong cremation.

Ito rin mismo ang empleyado ng Gream na pumirma sa lahat ng mga papeles at dokumentong kailangan para sa cremation.

Wala aniya silang kaalam-alam na hindi pala kaanak ng patay ang nag-asikaso ng mga dokumento, dahil mukha pa itong tuliro nang dumating aniya ito sa kanilang opisina para isumite ang mga papeles.

Napag-alaman lang ng mga empleyado ng crematorium na si Jee ang na-cremate nilang si “Jose Ruamar Salvador” noong January 18 nang bisitahin sila doon ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Napag-alaman na isang “Penny” ang nag-asikaso sa cremation ni Jee, at na assistant pala siya ng may-ari ng Gream na dating pulis na si Gerardo Santiago.

Sa kaniya rin ibinigay ang urn na naglalaman ng abo ni Jee na ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ay naitapon sa inidoro dahil sa pagka-taranta ng empleyado ng punerarya.

Si Penny at ang apat na iba pang empleyado ng Gream ay nasa ilalim na ngayon ng kustodiya ng NBI.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.