Natagpuang pugot na ulo sa Makati, nakilala na

 

Contributed photos/Inquirer.net

Natukoy na ang pagkakakilanlan ng ulong pugot na natagpuan noong nakaraang linggo sa isang creek sa lungsod ng Makati.

Personal na nagtungo sa tanggapan ng Makati City police station ang 47-anyos na magsasaka mula sa Zamboanga Del Norte na si Noel Sagang upang kumpirmahin na ang kanyang 17-anyos na anak na si Richelle Sagang ang biktima sa karumal-dumal na krimen.

Nakilala niya aniya ang biktima dahil sa mga pilat sa paa nito.

Ayon sa ama ng biktima, huli niyang nakausap ang anak noong January 5.

Ikinwento aniya ng anak na kasalukuyan itong namamasukan bilang kasambahay sa Ayala-Alabang sa Muntinlupa City at mga mababait umano ang kanyang amo.

Kaya’t laking gulat ng ama ng biktima nang malaman na napaslang ang kanyang anak nang tawagan siya ng ilang mga imbestigador sa kaso.

Sa kabila nito, hihintayin muna ng Makati police ang resulta ng DNA exam upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng biktima.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa motibo ng pagpatay at pamumgot ng ulo sa biktima.

Bago natagpuan ang ulo ng biktima, nadiskubre muna ang katawan nito sa Sta. Maria, Bulacan noong January 12.

Isang larawan ang lumutang na kuha umano ng mga security officers ng Ayala Alabang na nagpapakita ang buhay pang biktima na suot pa ang mga damit nito nang siya ay matagpuang wala nang ulo sa Bulacan.

Read more...