Pinag-uusapan na ngayon ng mga peace negotiators mula sa pamahalaan at sa mga komunista ang tungkol sa pagbuo ng ceasefire agreement.
Sa kabila ng naging engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga rebeldeng New People’s Army sa Makilala, North Cotabato, nanatili namang maganda ang pakikitungo ng magkabilang panig sa isa’t isa habang sila ay nagpupulong.
Magsusumite umano ang National Democratic Front of the Philippines ng pormal na reklamo sa pamahalaan, upang matugunan ito sa pamamagitan ng mga mekanismo ng peace process.
Aminado naman ang magkabilang partido na mahirap ang sitwasyong ito para sa peace process, kumpyansa pa rin sila na hindi basta mabubuwag ang kanilang negosasyon dahil sa insidente.
Matatandaang isang rebelde kasi ang napatay sa naturang engkwentro.
Bagaman inaasahang magkakaroon ng debate sa pagpupulong na ito, determinado naman ang magkabilang panig na maresolbahan na ang isyu upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Samantala, naniniwala rin ang Palasyo na magpapatuloy ang pag-usad ng negosasyon sa kabila ng nasabing engkwentro.