20-milyong dolyar, nadiskubre sa ilalim ng kama sa US

Twitter/US Atty. MA

Natagpuan ng mga otoridad ang aabot sa $20-milyong dolyar na cash na itinago sa ilalim ng kama ng suspek na sangkot umano sa bilyong dolyar na pyramiding scam sa Massachusetts, USA.

Nadiskubre ang naturang pera na bungkos-bungkos at maayos na itinago sa bedframe ng kama.

Ayon sa mga imbestigador, kanilang nasundan ang suspek na Brazilian na si Cleber Rene Rizerio Rocha na pumasok sa ‘flat’ nito kaya’t agad nila itong inaresto.

Si Rocha ay dawit umano sa bilyon-pisong pyramiding scheme ng kumpanyang TelexFree, na nakapanloko ng milyun-milyong biktima sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Sangkot umano ang kumpanya sa pagbebenta ng internet phone service sa kanilang mga nabibiktima at pagre-recruit ng mga miyembro.

Nang halughugin ang tahanan ni Rocha, dito nadiskubre ang nasa 20 milyong dolyar na cash sa ilalim ng tinutulugan nitong kama.

Ang TelexFree ay kumikita umano sa pamamagitan ng pagre-recruit ng mga miyembro at pagsingil sa mga ito sa pag-post ng online ads.

Upang kumita, kinakailangang mag-recruit ng mga bagong miyembro na magsisilbing mga ‘promoter’ na isang uri ng ‘pyramiding’ ayon sa mga federal prosecutors.

Kinasuhan na ang suspek ng conspiring to commit money laundering dahil sa natagpuang pera sa kanyang tahanan.

Read more...