Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police ang isa na namang kaso kung saan hinihinalang sangkot ang ilang tiwaling pulis sa extortion sa mga Korean National sa Angeles City Pampanga.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Chief Supt. Aaron Aquino, pitong pulis mula sa Angeles Police Station 5 ang kanilang nasa kostudiya ngayon.
Ito ay matapos magsumbong ang tatlong Koreano na inaresto umano at iligal na ikinulong sa loob ng police station sa Angeles City ng pitong oras noong Disyembre 30, 2016.
Ayon kay Aquino, pinakawalan umano ng mga pulis ang mga Koreano matapos magbayad ng P300,000, at kumuha pa ng P10,000 mula sa mga wallet ng biktima bago sila palayain.
Pawang mga first timers ang mga Koreano at nagtungo lamang umano sa bansa upang maglaro ng golf nang pasukin ng mga tiwaling pulis ang isang bahay sa “Friendship Plaza” kung saan tumutuloy ang mga dayuhan.
Depensa ng mga pulis, sangkot ang mga Koreano sa illegal gambling pero wala namang inilabas ang mga ito na arrest order o search warrant.