Pinagbabaril sa Sampaloc, Maynila ang isang taxi ilang minuto matapos na makaalitan ng driver nito ang driver ng isang kulay puti na Nissan Sentra.
Ayon kay PO1 Danilo Cabigting ng Manila Police District (MPD) station 4, nagkagitgitan ang Chen Chen taxi na may plate number na UVG 193 ang Nissan Sentra dahilan para magalit ang driver ng kotse, bumaba ng sasakyan at saka binugbog ang taxi driver.
Nang gaganti na ang driver ng taxi, mabilis umanong umalis sa lugar ang driver ng Nissan.
Doon na muling pinaandar ng driver ang taxi at saka ibinaba ang kaniyang pasahero sa bahagi ng E. Jhocson Street at Earnshaw Street.
Pero habang nakahinto ang taxi, dumating ang isang nakamotorsiklo at saka pinaulanan ng bala ang sasakyan.
Nasa baba umano ang driver nang taxi nang maganap ang pamamaril kaya hindi ito nasaktan.
WATCH: Away traffic umano ang naganap. Nagkagitgitan ng taxi ang isang Nissan na kulay puti | @erwinaguilonINQ pic.twitter.com/bs3lmUjuPp
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) January 24, 2017
Anim na basyo ng bala ang nakuha ng mga otoridad sa lugar, at nadamay din sa pamamaril ang isa pang nakaparang taxi at bus.
Tinitignan na ng mga pulis kung mayroong CCTV sa lugar dahil kapwa hindi naplakahan ang motorsiklo na isang kulay itim na Mio at ang Nissan Sentra.
Ang driver naman ng taxi ay nagtatakbo papalayo dahil sa takot nang maganap ang pamamaril.