Ito ay matapos ipahiwatig kahapon ng senador na ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) ay may kinalaman sa suhulang naganap sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa ilegal na operasyon ng gaming tycoon na si Jack Lam.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na dalawang oras siyang nanatili sa Senate hearing kahapon bago siya umalis para dumalo sa cabinet meeting sa Malakanyang.
Gayunman, sa loob ng nasabing mga oras, hindi man lang aniya siya tinanong ni Trillanes at nang siya ay makaalis, at saka naman nagtanong ng nagtanong ang senador at tila ba idinidiin siya at inaakusahang may kinalaman siya sa suhulan.
“Ang galing-galing niyang sundalong kanin na iyan e! Dalawang oras akong nandoon, siya (Trillanes) ang una o pangalawang nagpalista na magtatanong, bakit hinintay niya akong makaalis, duwag eh!,” ayon kay Aguirre.
Sinabi ni Aguirre na natural lang na malaman niya ang tungkol sa P50M hanggang P100M na bribery dahil sinabi ito sa kaniya ni Wally Sombero.
Kung talagang matapang aniya si Trillanes, dapat ay nagtanong na ito noong mga oras na nasa hearing pa si Aguirre.
Samantala, inamin naman ni Aguirre na isang Linggo bago naganap ang raid sa Fontana and Leisure Park ay nagkita na sila ni Jack Lam.
Pero nangyari aniya ang kanilang pagkikita sa kasal ng anak ni Sec. Arthur Tugade at hindi man lamang sila nagkausap ng nasabing dayuhan.
Sinabi pa ni Aguirre na nagkasama sila sa lamesa ni Lam dahil umulan at kinailangan niyang lumipat ng pwesto pero hindi pa rin sila nag-usap dahil wala namang kasamang interpreter noon si Lam.
“Si Jack Lam ay nakilala ko dahil pareho kaming bisita nung ikasal ang anak ni Sec. Tugade. Iniiwasan ko nga sya, kaya lang umulan eh garden wedding ‘yon, nalipat ako ng mesa, at nagkataon na nagkasama kami sa iisang mesa ni Jack Lam, pero hindi kami nagkausap, wala naman siyang kasamang interpreter no’n,” paliwanag ni Aguirre.
Dagdag pa ni Aguirre, noong March 2013 hanggang August 2013 ay nagtrabaho siya sa Clark Development bilang legal consultant.
Noong mga panahon na iyon, na panahon pa ng administrasyong Aquino ay legal ang dating ng mga negosyo nila Lam bilang locator sa Clark.
“at that time, noong panahon nina PNoy, nina De Lima, ang akala nila legal yung negosyo ni Lam as locator, akala nila ok na yung ini-issue ng PEZA,” dagdag pa ni Aguirre.