Tupok na tupok ang makina at halos hindi na mapapakinabangan pa ang isang kulay itim na 2005 model na Starex van matapos itong masunog sa bahagi ng Scout Fernandez, Barangay Laging Handa sa Quezon City.
Nakita ng mga residente sa lugar na biglang huminto ang van dahil umuusok na ang harapang bahagi nito.
Mabilis na lumaki ang apoy at natupok ng tuluyan ang unahang bahagi ng sasakyan.
Ayon kay Bert Santiago, tanod ng Brgy. Laging Handa, isang security guard ang nagsabi sa kanila na may nasusunog na van na pagmamay-ari ni Mery Celice Mayuga sa bahagi ng Scout Fernandez.
Pagdating nila sa lugar malaki na umano ang apoy sa harapang bahagi ng van na pinaglalagyan ng makina.
Nagtulong-tulong ang mga magkakapitbahay na magdala ng fire extinguisher at tubig para mabilis na maapula ang apoy pero hindi na nila nasagip pa ang makina nito na sunog na sunog.
Dumating naman ang mga fire truck ng Quezon City Bureau of Fire Protection sa lugar pero umuusok na lamang ito nang sila ay dumating.
Wala naman nasaktan sa tatlong sakay nito, kabilang na ang dalawang babae at isang lalaki na nagmamaneho ng sasakyan
Galing umano sa Parañaque ang sasakyan at pauwi na sa nasabing barangay nang maganapang sunog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.