DND, itinangging mali ang paggamit sa kanilang quick response fund
Dumipensa ang Department of National Defense (DND) sa sinabi ng Commission on Audit (COA) na ginamit nila sa maling paraan ang kanilang quick response fund (QRF).
Sa isang pahayag, sinabi ni DND public affairs office chief Arsenio Andolong na pinagawa o ipinaayos nila ang ilang kampo at pasilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa mga pinsalang natamo ng mga ito dahil sa pananalasa ng mga bagyong ‘Santi,’ ‘Glenda,’ at ‘Yolanda.’
Kailangan aniyang maipaayos agad ang ilang mga opisina at pasilidad ng AFP para hindi maantala ang kanilang mga humanitarian aid and disaster relief (HADR) missions.
Base kasi sa inilabas na report ng COA, na ang halaga ng repairs and reconstructions na aabot sa P73,929,934.91 gamit ang QRF ay hindi nakaayon sa authorized budget ng DND.
Dahil dito, lumabas na ang DND ang pinakamalaking violators sa patakaran sa paggamit ng disaster funds.
Ayon pa sa report ng COA, sa P572.9 milyong available fund ng DND para sa 215, tanging P236.31 milyon lamang ang nagamit at tanging P128.63 ang nabayaran sa pagtatapos ng 2015 dahil ang iba ay nakabinbin pa ang mga purchase orders.
Kaugnay naman sa pagbibigay ng pondo sa iba’t ibang ahensya na may unliquidated fund transfers, nilinaw ni Andolong na nakita nilang kailangan na itong gawin agad dahil sa sitwasyon noong mga panahong iyon.
Kinailangan aniya nilang tumimbang sa pagitan ng urgency at policy para maipagpatuloy ang pagseserbisyo nila sa publiko at masuportahan ang mga napinsalang pasilidad sa mga nasalanta ng kalamidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.