Tuluy-tuloy lamang ang pagpapatupad ng ‘no window hours policy’ sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila na dapat sana ay magtatapos na sa January 31.
Kinumpirma ni MMDA General Manager Tim Orbos na pinalawig pa ng anim na buwan ang naturang polisiya na nag-aalis ng ‘window hour’ sa mga sasakyang sakop ng number coding.
Paliwanag ni Orbos, naging epektibo ang naturang polisiya at nabawasan ng bahagya ang matinding daloy ng trapiko dahil sa pag-aalis ng window hours.
Dahil dito, tatagal pa ng hanggang July ang ‘no window hours policy’.
Una nang ipinatupad sa mga pangunahing lansangan ang ‘no window hours’ noong November upang makatulong sa pagbawas ng mga sasakyan noong panahon ng Kapaskuhan.
Sa ilalim ng naturang polisiya, ipinagbawal ang mga sasakyang saklaw ng number coding na bumiyahe sa mga pangunahing lansangan sa pagitan ng alas-7:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi.