Aguirre, posibleng may kinalaman sa Immigration scandal- Trillanes
Naghihinala si Sen. Antonio Trillanes IV na may kinalaman si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa eskandalo ng panunuhol na bumabalot ngayon sa Bureau of Immigration (BI).
Sa kasagsagan ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, kinwestyon ni Trillanes kung paano nalaman ni Aguirre ang halaga ng umano’y isusuhol ng casino tycoon na si Jack Lam sa kaniya, kung wala namang nagsabi nito sa kaniya.
Ayon kay Trillanes, sa isang interview noong December 1, sinabi ni Aguirre na nasa P50 million hanggang P100 million ang sana’y tatanggapin niya sakaling tinanggap niya ang alok na suhol ng kampo ni Lam.
Gayunman, nang humarap siya sa komite, hindi binanggit ni Aguirre ang tungkol sa alok, at sinabi lang na nakipagkita sa kaniya ang kinatawan ni Lam na si Wally Sombero sa Shangri-La hotel noong November 26.
Nakipagkita aniya sa kaniya si Sombero upang magmaka-awa na maging “ninong” o protektor ni Lam. Binanggit pa ni Aguirre na naroon din sa pulong si Lam, ang dalawa niyang interpreters at si dating BI Associate Commissioner Al Argosino.
Ayon kay Argosino, pagkatapos ng pulong, nilapitan siya ni Sombero para tanungin kung magkano ba ang kailangan ni Aguirre para pumayag na protektahan si Lam.
Tinanong pa umano ni Sombero kay Argosino kung P50 million o P100 million ang kailangan ni Aguirre, ngunit hindi umano tumutugon si Argosino sa mga alok nito.
Pagkatapos itong ipaliwanag ni Argosino, tinanong ni Trillanes kung nabanggit niya kay Aguirre ang halagang sinasabi ni Sombero, ngunit ayon sa dating opisyal ng immigration, wala siyang sinabi sa kalihim.
Dito na nagtaka si Trillanes sa kung paano nalaman ni Aguirre ang naturang halaga noong Disyembre, pero itinanggi naman ni Argosino na may kinalaman dito si Aguirre.
Kinwestyon rin ni Trillanes kung bakit isinama ni Aguirre si Argosino sa pakikipagkita kay Lam, at kung bakit mag-aalok ng suhol si Lam kay Aguirre at isa pang dating BI Associate Commissioner na si Michael Robles, sa halip na idirekta ito kay Aguirre o kay BI Commissioner Jaime Morente.
Dito na lumalim ang suspetya ni Trillanes na may sabwatan sina Aguirre, Argosino at Robles, at na baka lumabas sa media ang kalihim ay dahil nagkaka-bukohan na.
Ayon sa senador, maraming dapat ipaliwanag si Aguirre mula sa pagkikita nila ni Lam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.