Pamilya ni SPO3 Sta. Isabel, bibigyan ng proteksyon ng NBI
Bibigyan ng proteksyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ni Senior Police Officer 3 (SPO3) Ricky Sta. Isabel, na isa sa mga nadadawit sa pagpatay sa negosyanteng South Korean na si Jee Ick Joo.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, nakakatanggap ang pamilya ni Sta. Isabel ng mga banta sa kanilang buhay.
Dahil dito, kinausap niya ang misis ni Sta. Isabel na si Jinky, at tinanong kung anong uri ng proteksyon ang kanilang kailangan.
Inatasan na aniya niya ang NBI para siyasatin kung anong proteksyon ang maari nilang ibigay sa pamilya ni Sta. Isabel upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Sa ngayon ay nahaharap na sa kasong special complex crime of kidnapping for ransom at homicide si Sta. Isabel, pati na ang isa pang pulis, isang sibilyan at apat na hindi pa natutukoy na mga lalaki.
Una nang tinukoy ni SPO4 Roy Villegas si Sta. Isabel na umano’y sumakal kay Jee noong araw din na October 18, 2016 kung kailan ito dinukot.
Nasa ilalim ngayon ng kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Sta. Isabel, matapos maglabas ng arrest warrant ang isang korte sa Pampanga laban sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.