Kongresista kay PNP Chief Bato: ‘Wag nang magpakengkoy-kengkoy’

 

Inquirer file photo

Hinamon ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin si Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na huwag nang magpakengkoy-kengkoy.

Sa isang pulong balitaan, iginiit nito na dapat ay tigilan na raw ni General Bato ang pakengkoy-kengkoy at huwag puro ‘soundbytes’ lamang ang binibitawan nito.

Sa halip, sinabi ni Garbin na marapat na re-assess ni dela Rosa kung nirerespeto pa ba siya ng sariling mga tauhan at kung epektibo pa ba siya bilang pinuno ng PNP.

Binigyang-diin naman ng mambabatas na ang kontrobersiya sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo ay ‘height of ineptitude at height of disrespect sa law enforcement.’

Sa isyu naman ng pagdaraos ng birthday party ni General Bato, sinabi ni CIBAC PL Rep. Sherwin Tugna na bagama’t tradisyon naman ito, masyadong maraming standards para sa PNP chief.

Inihalimbawa pa nito ang ilang mga nagawa ni Sela Rosa gaya ng pagpunta sa Las Vegas para manood ng boxing, panonood ng concert habang may krimen nang nagaganap sa Crame at pati ang pakikipagtawanan pa noon sa sumukong si Albuera, Mayor Rolando Espinosa.

Ayon kay Tugna, dapat kahit papaano ay sensitibo si Bato sa demands ng public service.

Dagdag naman ni Kabayan PL Rep. Harry Roque, tama ang sentimyento ng taumbayan na mali na magparty-party sa gitna ng mga isyu sa PNP.

Aniya, sana natutukan na lamang ni Dela Rosa ang mga mahahalagang bagay sa PNP at ang pagiging sensitibo sa sasabihin ng mga tao.

Read more...