Naniniwala si Vice President Leni Robredo na hindi sasapat ang pondong ibibigay ng mga lokal na pamahalaan at private donors para sa rehabilitasyon sa mga bayan sa Bicol region na sinalanta ng bagyong Nina.
Dahil dito, sinabi ni Robredo sa mga alkalde ng mga bayan sa Bicol na maari silang direktang humingi ng tulong sa mga foreign aid agencies, kahit pa walang request na magmumula sa national government.
Aniya, nakausap niya ang mga opisyal ng United Nations Development Program (UNDP) at ang European Union (EU), at sinabi ng mga ito na kailangan ng request mula sa national government bago manghimasok ang UNDP at EU.
Gayunman, sinabi naman ng mga ito na bukas ang kanilang mga ahensya sa pagtanggap ng mga request na direktang manggagaling mula sa mga local government units.
Paliwanag ni Robredo, ang problema ngayon ay dahil sa deklarasyon na hindi natin kailangan ng tulong mula sa ibang bansa, nag-aalangan na ang mga ahensya na tumulong sa mga nangangailangan.
Samantala, sinabi naman ng mga alkalde na mas kailangan nila ngayon ang mga building materials kaysa sa mga food packs, dahil maraming pamilya sa kanilang mga bayan ang nawalan ng tirahan dahil sa bagyo.
Ani Robredo, sampung bayan sa Bicol ang pinakamalubhang nasalanta ng bagyong Nina, kabilang ang Bato, Baras at San Andres sa Catanduanes; Tiwi sa Albay; at Sagnay, Buhi, Bula, Ocampo, Pili at Pasacao sa Camarines Sur.
Nagkaroon ng consultation meeting si Robredo kasama ang mga alkalde upang matulungan ang mga ito sa rehabilitasyon ng kanilang bayan.
Naroon din aniya ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture, Office of Civil Defense, Philippine Coconut Authority, Departmentof Education at Department of Trade and Industry.
Ibinigay ng mga ahensya sa mga alkalde ang listahan ng mga kailangang dokumento para makatanggap sila ng ayuda.
Bukod naman sa mga pang-tayo ng bahay, kailangan rin ng ilang bayan ang mga binhi na madaling tumubo at maani para mapagkakitaan ng mga residente.
Sa Pebrero naman nakatakdang ilabas ng DSWD ang shelter assistance para sa mga pamilyang nasiraan ng tahanan dahil sa bagyo.