Pagbibigay ng number coding exemptions, ihihinto muna ng MMDA
Pansamantalang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) “indefinitely” ang pagbibigay ng mga exemptions sa number coding system habang sinisiyasat pa nila ang naturang polisiya.
Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, kailangan nila munang i-review ang mga ito dahil sa pagdagsa ng aplikasyon mula sa mga pribadong motorista nitong mga nakalipas na buwan.
Ani Orbos, maaring mawalan ng silbi ang number coding scheme kung magbibigay rin sila ng maraming exemptions, lalo na’t biglaan ang pagdami ng mga sasakyan sa Metro Manila.
Hindi naman nabanggit ni Orbos kung gaano karaming aplikasyon para sa exemption ang natanggap ng kanilang ahensya.
Sa ilalim kasi ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP), maaring mag-apply ng exemption ang mga kagawad ng media na ginagamit ang kanilang pribadong sasakyan sa trabaho, medical practitioners na rumreresponde sa mga emergency cases, at mga may-ari ng sasakyang ginagamit sa pagdadala ng mga taong nangangailangan ng madaliang atensyong medikal.
Otomatiko naman ang pagiging exempted ng mga emergency vehicles, government vehicles at diplomatic vehicles.
Base rin sa nasabing polisiya, hindi maaring lumabas sa mga kalsada tuwing Lunes ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1 at 2, 3 at 4 naman tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes, at 9 at 0 tuwing Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.