Muling inulit ni House Psekar Pantaleon Alvarez ang kanyang panawagan na dapat palitan na ang pinuno ng Philippine National Police.
Sinabi ni Alvarez na ang pagiging hepe ng PNP ay isang seryosong trabaho at hindi dapat dito ang isang lider na mahilig sa publicity at hindi puro pagpapatawa at pagkanta lamang ang inaatupag na tila ay patutsada niya kay PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na dapat ay mataas ang respeto ng mga pulis sa pinuno ng pambansang pulisya.
Naniniwala rin si Alvarez na marami pang opisyal ng pulisya ang karapat-dapat na mabigyan ng pagkakataon na pamunuan ng PNP.
Pero nilinaw ng House Speaker na hindi niya pine-personal si Dela Rosa dahil ito ay kanyang kaibigan pero sa puntong ito ay dapat na maging seryoso ang pangulo sa pagpili ng PNP Chief kung gusto niyang magpatupad ng pagbabago sa hanay ng law enforcement agency.
Nag-ugat ang panawagan ni Alvarez sa pagbaba sa pwesto ni Dela Rosa makaraang patayin ng mga pulis ang kanilang dinukot na Korean national na si Jee Ick Joo sa mismong loob ng Camp Crame.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Dela Rosa na handa niyang iwan ang PNP kung ito ang magiging utos sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.