Mga protesta laban kay Trump, nauwi sa gulo

Photo credit: Reuters
Photo credit: Reuters

Aabot sa 500 katao na pawang mga nakasuot ng itim at face masks ang nag-protesta sa kasagsagan ng inagurasyon ni Donald Trump bilang ika-45 pangulo ng Amerika.

Idinaan ng mga ito sa pagtitipun-tipon, vandalism, pagma-martsa at pagbabasag ng mga bintana ng mga establisyimento at sasakyan sa Washington ang kanilang pagtutol sa panunumpa ni Trump bilang kanilang bagong pangulo.

Dahil sa kaguluhan, inawat sila ng mga pulis na nauwi pa sa paggamit ng tear gas at stun grenades para lamang maitaboy ang mga nagpo-protestang nakaabala na rin sa trapiko sa Washington.

Kabilang sa mga binasagan ng salamin ng mga nag-protesta ay ang tindahan ng McDonald’s at isang branch ng Bank of Amerika na anila’y sumisimbolo sa kapitalismo sa Amerika.

Bitbit ng mga ito ang mga anti-Trump slogans kung saan nakasulat ang “Make Racists Afraid Again,” na inibang bersyon ng campaign slogan nito na “Make America Great Again.”

Naganap ang kaguluhan mahigit dalawang kilometro ang layo mula sa Capitol kung saan nanumpa si Trump.

Tinatayang nasa 50 katao naman ang hinuli ng mga pulis, at sinabing maraming iba pa ang kinasuhan nila ng rioting.

Lalo namang nauwi sa karahasan ang protesta nang umapela ang mga detainees na sila ay pakawalan, habang nagisimula namang mambato ng mga bote at bato ang iba pang demonstrador sa mga pulis ilang sandali matapos pormal na makapanumpa si Trump.

Dalawang pulis ang nagtamo ng mga sugat mula sa mga taong nagmamatigas at ayaw magpaaresto.

Nagkaroon rin ng tensyon sa pagitan ng mga taga-suporta ni Trump at mga anti-Trump protesters sa Washington

Nagpang-abot rin ang mga nagpo-protesta at mga pulis sa isang lugar malapit sa White House, kung saan nauwi pa ito sa batuhan ng mga aluminum na upuan sa labas ng isang outdoor cafe.

Samantala, kabatid-batid naman na hindi hamak na mas kaunti ang mga dumalo sa inagurasyon ni Trump kung ikukumpara sa tinatayang 2 milyong dumalo sa inagurasyon ni dating President Barack Obama noong 2009.

Bukod sa Amerika, nagkaroon rin ng protesta sa Tokyo at sa London, habang nag-diwang naman ang mga Russinan nationalists sa Moscow.

Read more...