Matapos maging tanyag hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa dahil sa mga video ng pagsasayaw nila, ititigil na ang buwanang dance performances ng tinaguriang “Cebu dancing inmates”.
Ayon kay Acting Warden Dr. Gil Macato ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) magiging “per request basis” na lang ang pagtatanghal ng mga preso.
Hindi naman tuluyang inaalis ni Macato ang posibilidad na maibabalik muli ang regular dance presentation schedule ng Cebu dancing inmates, pero sa ngayon aniya, hindi na muna ito gagawin ng buwanan gaya ng nakagawian.
Ang buwanang performance nila ay ginaganap tuwing huling Sabado ng bawat buwan na dinarayo pa ng mga lokal at dayuhang turista.
Wala namang ibinigay na konkretong dahilan si Macato kung bakit hindi na gagawin ang regular na performance.
Ang Cebu dancing inmates ay naging tanyag dahil sa mga video ng kanilang pagsasayaw na naka-upload sa Youtube.
Noong 2010, bumisita pa sa Cebu at nakasayaw ng dancing inamtes ang long-time choreographer ni Michael Jackson na si Travis Payne at dancers na sina Daniel Celebre at Dres Reid.
Samantala, dahil nasa 1,500 na ang preso sa CPDRC, unti-unti nang magbabawas ng bilanggo at ililipat sila ng kulungan,
Sa January 24, mayroong labingdalawang preso ang dadalhin na sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Habang anim na pung preso naman ang ililipat by batch kada buwan sa Muntinlupa din o ‘di kaya ay sa Abuyog, Leyte.