Mga Obispo, inanyayahan ng Malakanyang na makipag-diyalogo kay Pangulong Duterte
Matapos ang magkasunod na tirada sa Simbahang Katolika, sinabi ng Malakanyang na bukas ang palasyo para sa dayalogo sa mga Obispo.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, sa halip na idaan sa batikusan, inaanyayahan niya ang mga obispo ng simbahan na makipag-usap sa pangulo.
Matatandaang kahapon, muling binanatan ng pangulo ang mga kagawad ng Simbahang Katolika matapos batikusin ang kampanya ng administrasyon sa illegal na droga na umano’y nauuwi na sa extra judicial killings.
Ayon kay Abella, naniniwala siyang bukas ang Pangulong Duterte na harapin ang mga obispo dahil “wala daw matigas na tinapay sa mainit na kape”.
Kasabay nito inihayag ni Abella na kaya nagawa ng pangulo ang pagmumura sa mga obispo at mga pari ay dahil mistulang pinalalabas daw na sila lang ang malilinis habang ang mga taga-administrasyon ay masasama.
Noong isang araw lang din ay hinamon pa ng pangulo ang mga obispo na subukang mag-droga para malaman nila ang epekto nito sa mga adik.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.