Mga terorista sa Pilipinas, nag-aagawan sa atensyon ng ISIS
Kaniya-kaniya nang pagpa-papansin o pagpa-pabida ang mga armadong grupo sa Mindanao para makuha ang atensyon ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, nagpapaligsahan na ang mga teroristang grupo dito sa bansa, para mapansin ng ISIS kung sino sa kanila ang mas marahas o mas brutal.
Ito aniya ay bilang bahagi ng umano’y accreditation nila sa nasabing international extremist group, at upang paboran sila ng mga ito.
Una nang nag-pahayag ng pakikipag-alyansa sa ISIS ang teroristang grupong Abu Sayyaf, pati na ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Naglabas ang mga ito ng video noon na nagpapakita ng kanilang panunumpa at pagsuporta sa nasabing extremist group.
Sa mga inilunsad rin na opensiba ng militar laban sa Maute group sa Lanao del Sur, ilang beses na nilang nakitaan ng watawat ng ISIS ang mga kuta ng armadong grupo.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, inanunsyo mismo ni Duterte napag-alaman niyang nakikipag-ugnayan na ang ISIS sa Maute group, na itinuturong nasa likod ng pambobomba sa Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.