Ikatlong round ng peace talks sa Rome, naging maayos ang pagsisimula

Photo from Atty. Edre Olalia
Photo from Atty. Edre Olalia

Positibo at magaan pa rin ang pakikitungo ng mga rebeldeng komunista at ng mga kinatawan ng pamahalaan sa ikatlong round ng peace talks na isinasagawa ngayon sa Rome.

Naging maganda naman ang pagsisimula ng ikatlong round ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), kahit pa marami pang pagsubok na dinadaanan ang usapin at marami pang mga isyung hindi pa rin nareresolbahan.

Sa katunayan, hindi napigil ng mga isyu sina government peace panel chair at Labor Sec. Silvestre Bello III at NDFP chief negotiator Fidel Agcaoili na magbiruan sa kasagsagan ng opening ceremony.

Binubuo ng 77 miyembro ang delegasyon ng pamahalaan, kabilang na ang 10 mambabatas, habang 58 na miyembro naman ang bumubuo sa NDFP.

Dumalo rin sa opening ceremony si Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr., na itinuring naman ni NDF chief political consultant Jose Maria Sison na isang pahiwatig na seryoso talaga ang pangulo sa pagsusulong ng peace process.

Aminado naman si Bello na isa talagang pagsubok na ipagpatuloy ang negosasyon na para sa nakararami ay malabo nang maitaguyod.

Pero aniya, sa kabila ng mga negatibong pananaw tungkol sa peace process, nagdesisyon sila na ipagpatuloy ito, lalo’t patuloy ang paggabay at pagsuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kumpyansa si Bello na kakayanin ng magkabilang panig na talakayin ang mga isyung bumabagabag pa rin sa kanilang proseso, tulad na lamang ng pagpapalaya sa mga preso.

Bukod dito, naniniwala rin si Bello na kaya nilang resolbahin na ang isyu pa sa mga natitirang substantive agenda, kabilang na ang socio-economic reforms, political at constitutional reforms, pati na ang pagwawakas na sa mga pakikipaglaban sa isa’t isa.

Dagdag pa ni Bello, umaasa ang pamahalaan na sa pamamagitan ng pag-gabay ni Duterte, mabubuo na rin ang bilateral ceasefire agreement sa kasalukuyang round ng peace talks.

Samantala, iginiit naman ni Agcaoili na ang pagpapalaya sa 392 na mga political prisoners ay hindi lang dapat ituring na isang “confidence-building measure” lalo na sa pagbuo ng bilateral ceasefire agreement.

Obligasyon aniya ito ng pamahalaan sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), at hindi dapat ituring ang mga preso bilang baraha na gagamitin lang upang may makuhang kapalit mula sa NDFP.

Read more...