PNP-AKG, kinumpirma na pinatay si Jee Ick Joo sa loob ng Camp Crame
May pinanghahawakan umanong ebidensiya ang Philippine National Police Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) na pinatay sa loob ng sasakyan sa loob ng Campo Crame ang dinukot na negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.
Ayon kay PNP-AKG legal officer Supt. Dennis Wagas, may hawak na silang ebidensiya ukol dito base sa impormasyon mula sa ilang testigo sa nasabing kaso.
Samantala, kinumpirma din mismo ni Sr. Supt. Glen Dumlao, hepe ng PNP-AKG na sa loob nga ng Campo Crame pinatay si Jee Ick Joo.
Ilang metro mula sa gusali ng PNP headquarters o sa gilid ng Police Community Relations Group sa Camp Crame isinagawa ang pagpatay sa Koreanong biktima.
Malapit rin ang naturang crime scene sa opisina ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa at sa kanyang official residence sa loob ng Camp Crame.
Sa impormasyon, alas diyes ng gabi noong October 18, 2016 nang maganap ang krimen sa gilid ng gusali ng PCRG kung saan binalutan ng tape ang ulo at mukha ni Joo bago pinatay sa sakal ng pangunahing suspek na pulis na si SPO3 Ricky Sta Isabel sa loob ng itim na Ford Explorer.
Ang masaklap umano, nang suriin nila ang CCTV malapit sa gusali ng PCRG ay nabura na ito sa system dahil Oktubre pa nangyari ang krimen.
Kanina ipinrisinta ng PNP-AKG sa media ang narekober na golf club set na pagmamay ari ng Koreanong negosyante.
Kinumpirma mismo ng asawa ng biktima na si Choi Kyung Jin na nagtungo mismo sa AKG headquarters sa Campo Crame na sa kanyang mister nga ang golf set na nakuha sa Gream Funeral sa Bagbagin, Caloocan City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.