Kinumpirma ng asawa ng Koreanong si Jee Ick Joo na pag-aari ng biktima ang na-recover na golf set sa Gream Funeral Parlor sa Caloocan City.
Ayon kay Atty. Dennis Wagas, legal officer ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group na nagtungo sa kanilang tanggapan si Ginang Choi Kyung Jin upang i-identify ang golf set at pinatotohanan nito na pagmamay-ari nga ito ni Jee Ick Joo.
Tiwala si Wagas na magpapalakas ng kaso laban kay Gerardo Ding Santiago na dating pulis at ngayon ay Barangay Chairman sa Caloocan at umano’y kasabwat ng naarestong si SPO3 Ricky Sta Isabel ang na-recover na golf set.
Magpapatunay aniya ang naturang golf set na dinala nga ang mga labi ng Koreano sa Gream Funeral na umano’y pag-aari ni Santiago.
Maliban sa golf set na umano’y ibinayad lamang kay Santiago, wala nang ibang personal items na nakuha ang AKG sa punerarya.
Samantala, isusumite na ng PNP-AKG sa PNP Crime Laboratory ang naturang golf set para maproseso bilang ebidensya na maaaring gamitin laban sa mga itinuturong suspek.
Maghahain din ng supplemental complaint ang AKG sa DOJ ngayong araw o bukas matapos ang pagkakadiskubre sa golf set.