23 Milyon estudyante, balik-eskwela

rizal hs qBalik-eskwela ang aabot sa 23 milyong mga estudyante ngayong unang araw sa buwan ng Hunyo 2015.

Alas 5:00 pa lamang ng umaga ng Lunes, binuksan na ang Action Center sa tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City, para tumanggap ng mga reklamo sa pamamagitan ng text, tawag at Email.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay DepEd Assistant Secretary Jesus Mateo, mula noong Sabado hanggang Lunes ng umaga, nakatanggap na sila ng mahigit isang daang reklamo sa kanilang mga hotlines. Karaniwan sa problema ng mga magulang ay may kaugnayan sa enrollment.

“Maagang binuksan ang action center para tugunan ang mga problema ag mga problema na mae-encounter sa mga paaralan. Karaniwan sa mga problema na idinulog sa action center ay ‘yung mga bata na nagtransfer from private to public,” sinabi ni Mateo

Ayon kay Mateo, sa ibang private schools kasi, hindi ibinibigay ang Form 137 ng bata kung may bayarin pa sa eskwelahan ang kanilang magulang. Dahil dito, nagkakaproblema sa page-enroll ng bata kung magta-transfer siya sa public school.

Sinabi ni Mateo na sa mga ganitong sitwasyon, nakikiusap ang DepEd sa pribadong paaralan na payagan na lamang ang magulang na mag-isyu ng promisory note.

Sa mga may katanungan at nakararanas ng problema kaugnay sa pagbubukas ng klase, sinabi ng DepEd na maaring tumawag sa kanilang mga hotlines na 6331942; 6361663; 6359817; 6387530. Maari ding mag text sa 09194560027 o di kaya ay mag-email sa action@deped.gov.ph.

Samantala, sa Rizal High School sa Pasig City na mayroong 9,500 na mga estudyante, naging mapayapa at maayos naman ang pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral.

Maaga pa lamang nagtalaga na ng mga tauhan ng PNP para tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante.

Sa ibang paaralan sa Metro Manila, sinabi ng DepEd na wala pa naman silang natatanggap na major problems na nae-encouter sa pagbubukas ng klase.

Gayunman, ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ay nagsagawa na ng mga kilos protesta sa ilang eskwelahan para kondenahin ang pagpapatupad ng K to 12 program. Sa H. Bautista Elementary School sa Marikina City, Batasan National High School sa Quezon City at sa Araullo High School sa Maynila ay may mga miyembro ng ACT na nangangalap ng lagda ng mga magulang kontra sa K to 12./ Erwin Aguilon

Read more...