Pumalag ang Malacañang Press Corps (MPC) sa pinakahuling pahayag ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar, kung saan sinabi niyang mali ang pagkakaulat ng media sa naging pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa martial law.
Naglabas ng pahayag ang MPC kung saan kinondena nila ang paninisi sa kanila ni Andanar, at ang akusasyon nito ng “misreporting” sa mga pahayag ng pangulo.
Sa pinakahuling pahayag kasi ni Andanar, tinawag nitong iresponsable ang paraan ng pamamahayag ng media kaugnay sa sinabi ng pangulo, at na naging sanhi umano ito ng panic at kalituhan sa mga tao.
Pero iginiit ng MPC na halos hindi nga nila na-paraphrase o isinalin ang ilan sa mga linyang binanggit ng pangulo sa kaniyang pahayag.
Dahil dito, hinimok ng grupo si Andanar at kaniyang mga opisyal na basahin ang kabuuan ng mga inilabas nilang balita para maintindihan ang konteksto nito.
Nabahala rin ang mga Malacañang reporters sa madalas na paninisi ng mga opisyal ng administrasyong Duterte sa tuwing nagiging kontrobersyal ang mga pahayag ng pangulo.
“We are disturbed and appalled by the propensity of the officials of this administration to blame the media whenever the inflammatory statements of the president stir controversy or draw flak. This trend should stop as it would not contribute to the elevation of the level of public discourse,” sabi sa pahayag.
Dagdag pa ng samahan, wala silang “obligation to please or satisfy sources,” dahil ang kanilang loyalty ay para sa mga mamamayan at sa mga taong maaapektuhan ng mga hakbang ng mga taong mas makapangyarihan sa kanila.
Umaasa naman ang MPC na ang ganitong paninisi sa kanila ay hindi isang hakbang para sirain ang kanilang kredibilidad.
Malaki anila ang ginagampanang tungkulin ng media para panatilihin ang demokrasya, at bantayan ang mga makapangyarihan.