Liderato ng Kamara hinamon na pangalanan ang mga “narco-congressmen”

House of Representatives
Inquirer file photo

Hinimok ni House Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Ace Barbers si House Speaker Pantaleon Alvarez na pangalanan ang dalawang kongresista na kasama narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Barbers, upang maiwasan ang mga hinala sa lahat ng miyembro ng Kamara ay nararapat na isapubliko na ni Alvarez ang dalawang narco-congressmen.

Sinabi ni Barbers na sakaling may matibay na ebidensiya laban sa dalawang narco-Congressmen, dapat aniyang kumilos agad ang liderato ng Kamara.

Kailangan aniyang makasuhan at mapatawan ng mabigat na disiplina base sa rules ng Kapulungan ang mga kongresista na sabit sa operasyon ng ilegal na droga.

Sa panig naman ni Ako Bicol Partlist Rep. Rodel Batocabe, hindi dapat kunsintihin ng Kamara ang mga House members na mapapatunayang may partisipasyon o protektor ng drug trade.

Ayon kay Batocabe, bukod sa korte ay uubrang papanagutin ang mga narco-Congressmen sa House Ethics Committee.

Matatandaang kinumpirma ni House Speaker Pantaleon Alvarez na dalawang incumbent House members ang nasa narco-list ng presidente.

Bagama’t ayaw niyang pangalanan ang mga ito ay binanggit niya isa sa kongresista ay taga-Mindanao.

Read more...