Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may karapatan ang pangulo na mag-deklara ng batas militar kung sa tingin niya ay malalagay sa alanganin ang sitwasyon ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa pagtitipon sa 20th founding anniversary ng Premier Medical Center (PMC) sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija, ipinaliwanag ng pangulo na pati ang uupong pangulo ng U.S na si Donald Trump ay pinuri ang kanyang ginagawang reporma sa bansa.
“Kung sakaling mag-deklara ako ng martial law, bakit ko naman sasabihin sa inyo”, paliwanag ni Duterte.
Kanyang sinabi na wala sa plano niya ang deklarasyon ng batas militar pero hindi siya magdadalawang-isip na gawin ito para mailigtas ang bansa sa problema sa droga.
Muli ring ipinakita sa publiko ng pangulo ang kanyang kontrobersiyal na “narco-list” kasabay ng paghingi ng tulong sa publiko na suportahan ang kanyang giyera kontra sa droga.
Muli rin niyang binanatan ang kanyang mga kritiko pati na ang Liberal Party na umano’y nasa likod ng mga paninira sa kanyang pamahalaan.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na ipupusta niya ang tanggapan ng pangulo pati na ang kanyang buhay matapos lang niya ang problema sa kurapsyon at droga sa bansa.
Samantala, alas-dos ng hapon bukas ay pupulungin ng pangulo sa Malacañang ang lahat ng mga gobernador sa bansa.
Sesentro ang pulong sa kampanya ng pamahalaan kontra sa droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.