10 ang patay sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa QC at Maynila

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Patay ang sampung drug suspects matapos na manlaban umano sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operation nga mga otoridad sa Quezon City at Maynila mula kagabi hanggang kaninang madaling araw.

Unang napatay sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) – Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ang limang katao sa Sta. Marcela Street, Barangay Gulod, Novaliches alas 7:15 kagabi.

Ang limang suspek na napatay ay pawang armado ng 36 caliber, 22 caliber at nakuhanan din sila ng malilit na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at P500 na buy bust money.

Isa sa limang nasawi ay kinilala lamang sa alyas na “Kuya Ryan”.

Samantala, sunod na sinalakay ng mga otoridad ang bahagi ng Bernarty Subdvision sa Barangay Bagbag Novaliches Quezon City kung saan napatay naman ang mga suspek na sina Reymark Mendoza alyas “Bulatao” at Machoman Layno alyas “Choking”.

Sa lugar kung saan ginawa ang operasyon, nakuha ng mga tauhan ng SOCO ang isang 38 caliber at 45 caliber at hindi bababa sa sampung plastic sachet ng shabu.

Sa Quezon City pa rin, napatay sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis ang dalawang suspek na sina Rodolo Udtuhan alyas “Chokoy” at isang alyas “Chris”.

Ayon kay QCPD station 7 chief, Supt. Rolando Balasbas, maliban sa pagtutulak ng bawal na gamot ay ginagamit pa umanong drug den ang bahay ni “Chokoy”.

Nakuha sa mga suspek ang caliber 38, P500 na buy-bust money at hindi pa mabatid na dami ng shabu.

Samantala, sa Tondo Maynila, isang hinihinalang tulak ng shabu ang nanlaban din umano sa buy-bust operation sa bahagi ng Daang Bakal Street.

Isang poseur buyer ang nagkunwaring bibili ng P200 na halaga ng shabu sa hindi pa nakilalang suspek pero nang aarestuhin na ito ay pinaputukan umano nito ang pulis.

Nakuha mula sa kaniya ang walong sachet ng shabu at isang caliber 22 na baril.

 

 

 

Read more...