38-anyos na babae, patay matapos saksakin ng kanyang asawa sa Olongapo City

 

Patay ang isang babae matapos itong i-hostage at pagsasaksakin ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa 1946 Purok Uno, Mactan, Barangay Old Cabalan, Olongapo City.

Ayon kay Olongapo City Councilor Jong Cortez, dead-on-arrival sa James Gordon Memorial Hospital ang biktimang si Marivic Villanueva-Rodriguez, 38 taong gulang habang sugatan din ang suspek na si Victor Rodriguez na ginagamot din sa nasabing ospital.

Nagtamo ng labinlimang saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Isang saksak naman sa tiyan ang tinamo ng suspek na ayon sa mga otoridad ay posibleng nagsksak sa kanyang sarili matapos ang ginawa sa kaniyang asawa. “Itinawag po ng mga kaanak nila ‘yung insidente, at nang rumesponde po ang mga pulis, nasaksak na ni Victor ang asawa niya, napakiusapan din naman siyang sumuko, at nasa ospital din ngayon ang suspek kasi may isang saksak din siya,” ayon kay Cortez.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Olongapo City Police na halos isang buwan nang nagkukulong sa loob ng bahay ang suspek dahil sa may humahabol umano rito.

Kanina ay humingi na ng tulong ang mga kaanak ng biktima sa mga otoridad matapos malaman na hostage ni Rodriguez si Villanueva at armado ito ng patalim./ Erwin Aguilon

Read more...