Nagsampa ng kasong graft ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa mga lokal na opisyal ng mga bayan ng Magalang at Bacolor sa lalawigan ng Pampanga.
Ito ay kaugnay sa pagbebenta ng apat na libong mga baboy na nakumpiska sa shabu laboratory na sinalakay ng PDEA sa sa Magalang, Pampanga noong nakaraang taon.
Sa reklamo na isinampa sa Ombudsman ni PDEA NCR Director Wilkins Villanueva, kasong grave misconduct, conduct unbecoming a government employee at conduct prejudicial to the best interest of the service ang isinampa laban kina Magalang, Pampanga Mayor Maria Lourdes Paras Lacson; Bacolor, Pampanga Mayor Jose Maria Hizon; Adela Tanhueco ng Assessor’s Office sa Magalang; Nathaniel Pili, Municipal Engineer sa Magalang; Miranda at Milagros Suing at si Barangay Chairman Marcial Alfaro ng Barangay San Ildefonso.
Nakasaad sa reklamo na ibinenta ng mga lokal na opisyal ang mga baboy na natagpuan ng PDEA sa sinalakay na shabu laboratory sa paanan ng Mt. Arayat sa halagang P7 milyon.
Ayon sa PDEA, ang nasabing mga baboy ay gagamitin sana nila bilang ebidensya laban sa mga Chinese nationals na gumamit sa pig farm bilang pronta sa shabu laboratory.
Ibinenta umano ng mga lokal na opisyal ng Magalang ang nasabing mga baboy sa nag-iisang bidder na Pampanga’s Best.
Si Mayor Hizon ng Bacolor ang kumatawan sa nasabing kumpanya nang bilhin nito ang mga baboy.
Buwan ng Setyembre noong nakaraang taon nang salakayin ng PDEA ang nasabing shabu laboratory na pinalabas na piggery pero nang pasukin ay nakita sa loob nito ang malalaking kagamitan sa paggawa ng shabu.