Nagsimula ang sunog dakong alas-2:00 ng hapon sa records room ng opisina, kung saan nakalagay ang mga dolumento para sa Commission on Audit (COA).
Pawang mga dokumento mula 2014 hanggang 2016 ang nasunog, bagaman hindi naman nila natukoy kung anong partikular na mga dokumento ito.
Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, ilang emergency response personnel ang maaring masuspinde dahil sa kanilang mga pagkukulang, dahil sila ang dapat na tumiyak na nasusunod ang mga fire safety measures.
Ani Orbos, nang maganap ang sunog, walang ni isang fire alarm ang gumana, walang nanguna sa paglilikas sa mga empleyado ng MMDA, at hindi rin gumana ang kanilang mga fire extinguishers.
Dagdag pa niya, bilang bahagi ng MMDA, dapat alam nila kung ano ang mga gagawin sa oras ng sakuna, kaya naman isang malaking katanungan para kay Orbos kung bakit hindi umubra ang kanilang mga protocols.
Naglunsad naman na ang MMDA ng internal investigation kaugnay ng insidente, habang nagsasagawa na rin ang Bureau of Fire Protection (BFP) at ang Philippine National Police (PNP) ng parallel investigation.
Sa paunang imbestigasyon ng BFP, lumabas na faulty wiring ang naging dahilan ng sunog. / Kabie Aenlle