Sabay na inaprubahan ng Kamara de Representantes ang dalawang panukala kagabi.
Isa dito ay ang P2,000 na dagdag sa buwanang Social Security System (SSS) pension, at ang isa naman ay ang pagpayag na taasan ng SSS board ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito kahit walang pagpayag mula sa pangulo.
Nailusot na sa ikatlong pagbasa ang panukalang P2,000 na dagdag sa SSS pension o ang House Joint Resolution No. 10, matapos itong makakuha ng 233 na “yes” votes.
Sa 227 na “yes” votes ay aprubado na rin ang House Bill No. 2158 na nagpapahintulot sa SSS board na taasan ang buwanang singil na kontribusyon sa mga miyembro nito, nang hindi nangangailangan na maaprubahan muna ng pangulo.
Ikinatuwa naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang pagkakapasa ng Joint Resolution No. 10, lalo’t isa siya sa mga may akda nito.
Gayunman naman bumoto si Zarate at ang iba pang miyembro ng Makabayan bloc laban sa HB 2158 dahil naniniwala silang gagamitin lang ito ng SSS para taasan ang kanilang singil, nang hindi muna nagpapatupad ng pagbabago sa ahensya.
Matatandaang kamakailan lang ay inaprubahan ni Pangulong Duterte ang P1,000 na dagdag sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng SSS simula ngayong Enero, habang ang susunod na increase naman ay ibibigay sa 2022.