Yaman ng 8 bilyunaryo, sinlaki ng perang hawak ng kalahati ng populasyon sa mundo-Oxfam

 

Mula sa Inquirer

Kung pagsasama-samahin ang yaman ng walong taong itinuturing na pinakamayaman sa buong mundo, maikukumpara ang hawak ng mga itong yaman sa kalahati ng buong populasyon o kabuuang 3.6 bilyong tao.

Ayon sa antipoverty organization na Oxfam, malinaw sa resulta ng kanilang pagsasaliksik na napakalaki na ng agwat sa kasalukuyan sa pagitan ng itinuturing na pinakamahirap na sektor at ng mga mayayaman.

Sa resulta ng research ng Oxfam na ipinrisinta nito sa taunang gathering ng mga global political at business elite sa Davos, Switzerland, lumilitaw na mas malaki na ang agwat na ito ngayon kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Nagbabala pa ang naturang grupo na magpapatuloy ang paglaki ng agwat at ‘inequality’ na posibleng magdala pa ng pagkasira ng demokrasya sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ayon sa 2016 Forbes list, nangunguna sa listahan ng pinakamayamang tao sa buong mundo ang founder ng Microsoft na si Bill Gates na may $75 billion net worth.

Sumusunod sa kanya sina Spanish founder ng fashion house Inditex Amancio Ortega, ($67), financier Warren Buffett ($60.8-B), Mexican business magnate Carlos Slim Helu ($50-B), Amazon boss Jeff Bezos ($45.2-B), Facebook creator Mark Zuckerberg ($44.6-B), Larry Ellison ng Oracle ($43.6-B) at Michael Bloomberg, ang dating alkalde ng New York ($40-B).

Upang maibsan aniya ang agwat at kahirapan, hinihiling ng Oxfam sa mga mayayaman na gawin ang nararapat at magbayad ng tamang buwis upang makatulong sa kapwa na una nang ipinanawagan ni Gates.

Read more...