Matapos sabihan ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar ang media ng pagiging iresponsable sa aniya’y maling mga ulat tungkol sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdedeklara ng martial law, binweltahan siya ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Noong Linggo kasi ay binanatan ni Andanar ang media dahil sa mga lumabas na ulat tungkol sa pagdedeklara ni Duterte ng martial law, at iginiit na nagsanhi lang aniya ito ng panic at kalituhan sa mga tao.
Sa isang pahayag, tinawag ng NUJP ang ginawa ni Andanar bilang isang “utterly dishonest tack” para lamang sisihin ang media.
Ayon pa sa NUJP, ikinalulungkot nila na pinili ni Andanar na sisihin ang media sa tamang pag-uulat ng mga ito tungkol sa totoong sinabi ng pangulo na maari siyang mag-deklara ng martial law kahit pa nasa labas ito ng hurisdiksyon ng Saligang Batas.
Hindi rin tinanggap ng NUJP ang sinabi ni Andanar na magdedeklara lang si Duterte ng martial law sakaling mag-deteriorate ang bansa “into an utter state of rebellion and lawlessness.”
Giit ng NUJP, taliwas ito sa sinabi ng pangulo na sakaling mag-deklara siya ng martial law, wala itong kaugnayan sa pananakop, insurrection at hindi rin tungkol sa kapahamakan.
Dagdag pa ng grupo, hindi ang headlines kundi ang mga sinasabi ni Duterte ang nagdudulot ng panic sa mga tao, pati na ang mga pagtatangka ni Andanar na gumamit ng “creative imagination” na nakakadagdag lang sa kalituhan ng mga tao.