Pagdurog sa BIR ipinanukala ni CGMA

Arroyo-620x465
Inquirer file photo

Pinabubuwag na ni dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Bureau of Internal Revenue o BIR at palitan ng isang bagong ahensiya na tatawaging National Revenue Authority o NRA.

Paniwala ni Arroyo, ito ang sagot sa matagal nang problema ng kawalan ng tiwala ng publiko sa BIR gayundin sa kabiguan ng ahensiya na matugunan ang target na koleksiyon nito ng buwis taon-taon.

Sa House Bill 0695, sinabi ni Arroyo na layon nito na i-professionalize ang hanay ng kawani ng revenue generating agency upang mapalakas ang koleksiyon at mabuwag ang kasalukuyang sistema na ang promosyon ng mga ito ay nakabase lamang sa loyalty at seniority.

Sa ilalim ng panukala ni CGMA, magsisimula ang koleksiyon ng buwis sa ‘clean slate’ dahil malinis ito sa panghihimasok o politika mula sa pagbuo ng revenue rulings, audit at assessment ng personnel management.

Ang NRA ay magkakaroon ng revenue board na bubuuin ng apat na kinatawan mula sa pamahalaan kabilang ang kalihim ng Department of Finance, DBM, NEDA at Securities and Exchange Commission at tatlo mula sa pribadong sektor.

Ang revenue board naman ang magtatalaga ng chief executive officer na magiging responsable sa administratibong pangangasiwa ng NRA at magkakaroon ito ng tatlong taong termino subalit pwedeng mai-reappoint kung kinakailangan depende sa kanyang performance.

Ang mga kawani ng BIR na hindi maa-absorb sa NRA ay papayagang magretiro na lamang o umalis sa serbisyo at ang kanilang separation pay ay depende sa haba ng paglilingkod pero walang bababa sa isang daang libong piso.

Read more...